KARAPATAN AT PRIBILEHIYO NG MGA MAY KAPANSANAN, ISAKATUPARAN AT IPAGLABAN

Sa bisa ng Proklamasyon 361, idineklara ang ika-17 hanggang ika- 23 ng Hulyo ng bawat taon bilang National Disability Prevention and Rehabilitation Week. Ginugunita rin nito ang kapanganakan ni Gat Apolinario Mabini, ang “Dakilang Lumpo” at utak ng himagsikan. Sa kabila ng kanyang kapansanan, kinakatawan ng bayaning Gat Mabini ang mga mamamayan ng kasalukuyang panahon na may kapansanan ngunit patuloy na nakikipagtunggali sa hamon ng buhay — patuloy silang nagbabahagi sa kapwa at nagsisikap na makapag-ambag sa mga layuning itaguyod ang isang matatag na bansa. Ang tema ng ika-39 na taong pagdiriwang ng National Disability Prevention and Rehabilitation Week ay nagpapa-alala sa atin sa sigaw ng mga may kapansanan sa buong bansa: “Karapatan at Pribilehiyo ng Mga May Kapansanan, Isakatuparan at Ipaglaban”. Secretary Taguiwalo of DSWD
Bilang kasapi ng United Nations, lumagda ang Pilipinas sa Kasunduan tungkol sa Karapatan ng mga Maykapansanan (UNCRPD). Dito, inilahad ng pamahalaan ng Pilipinas ang kahandaan na igalang, pangalagaan at ipatupad ang mga karapatan ng bawat Pilipinong may kapansanan.
Tungkulin ng bawat sangay ng pamahalaan, lalo’t higit ang pamahalaang lokal, na isama ang mga may kapansanan sa lahat ng mga programa at serbisyo na magtataguyod ng kanilang mga karapatan at magpapaunlad ng kanilang kakayahan at talino upang mag-ambag at maging kaagapay sa kaunlaran ng bayan.
Bilang paggalang sa mga karapatan na isinasaad sa kasunduan at mga batas ng ating bansa, dapat ipatupad ng bawat pamahalaang lokal ang Batas Pambansa 344 upang itaguyod ang pamayanang walang sagabal at nagsusulong sa malayang pagkilos ng bawat Pilipinong may kapansanan. Sa pamamagitan nito, kanilang mapakinabangan ang mga programa at serbisyo mula sa lokal na pamahalaan. Ating tiyakin na sumusunod sa pamantayan ng Accessibility at Universal Design ang lahat ng mga pampublikong gusali, mga lansangan at mga pampublikong sasakyan upang makalahok ang mga may kapansanan sa lahat ng mga gawain sa komunidad.
Mahalaga din na maunawaan ng mga tuwirang naglilingkod ang iba’t ibang uri ng kapansanan at mga pangangailangan ng mamamayang may kapansanan upang maintindihan kung paano sila pakikitunguhan at mapaglingkuran na may malasakit.
Kaakibat ng tungkulin ng bawat sangay ng pamahalaan ay ang pangangalaga at proteksyon sa karapatan ng mga may kapansanan sa pamamagitan ng paghubog sa isang pamayanang walang diskriminasyon at may pantay na pagtrato sa bawat mamamayan. Siguraduhin natin na bawat may kapansanan ay nakakakuha ng serbisyong legal upang maipagtanggol nila ang kanilang karapatan sa harap ng batas. Mahalaga din na ang mga walang pandinig ay mabigyan ng tulong ng mga sign language interpreters — mula sa kanilang paghaharap ng reklamo at pagsisiyasat, hanggang sa pagdinig ng kanilang kaso sa korte. Kailangan din natitiyak na sila ay makikinabang sa mga serbisyong pangkalusugan at edukasyon sa ilalim ng batas.
Ang pinakamahalaga para sa mga may kapansanan ay ang pabibigay ng katuparan sa mga karapatang ito sa pamamagitan nang pagtatalaga ng Persons with Disabilities Affairs Office (PDAO) sa bawat pamahalaang local (lalawigan, lungsod at 1st, 2nd, at 3rdclass na munisipyo) at ang paghirang ng PDAO Focal Persons sa 4th, 5th at 6th class na mga munisipyo. Nakasaad ito sa RA10070 na kinilala ang karapatan ng mga may kapansanan na makilahok sa pagpapatakbo ng pamahalaang lokal, at maging kabahagi sa pagbibigay ng mga serbisyong nauukol para sa kanila.
Nakikipag-ugnayan ang mga PDAO sa lahat ng sangay ng pamahalaan upang ang mga may kapansanan ay maging bahagi sa pagpaplano ng mga angkop na programa at serbisyo at pagbalangkas ng mga alituntuning lokal ayon sa kasalukuyang kalagayan ng sektor.
Inaasahan na ang mga PDAO (na dapat ay pamununan ng mga kwalipikadong may kapansanan) ay magiging susi sa pagpapaunlad sa mga pangunahing serbisyo para sa sektor. Inaasahan natin na bago matapos ang termino ng kasaluukuyang pamunuan ay naitatag na ang mga PDAO at Persons with Disabilities Affairs Focal Persons sa lahat ng pamahalaang lokal sa buong bansa.
Samantala, hindi kailanman maisasawalang-bahala ang kahalagahan ng sama-samang pagkilos ng mga miyembro ng sektor ng mga may kapansanan at kanilang mga samahan para sa kanilang mga karapatan. Matimbang ang sama-samang pakikipaglaban para maisulong ang mga karapatan at pribelehiyo ng bawat may kapansanan sa lipunang Pilipino.
Mahalagang magkaisa ang mga samahan ng mga may kapansanan upang manawagan sa implementasyon ng RA 10754 na nagpalawak sa mga benepisyo at pribilehiyo ng mga taong may kapansanan, ang RA 10524 na naglalaan ng 1% ng mga posisyon para sa mga kuwalipikadong may kapansanan sa lahat ng sangay ng pamahalaan, at pagtupad sa iba pang mga karapatan ayon sa RA 7277 o ang Magna Karta ng mga Taong May Kapansanan.
Sa National Development Plan ng bansa, tinatanaw ang isang magandang bukas kung saan ang bawat Pilipino ay may matatag, maginhawa at panatag na buhay. Higit sa lahat, Walang Maiiwanan. Isama natin ang mga mamamayang may kapansanan sa ating pangarap. Kilalanin at itaguyod ang kanilang mga karapatan nang may malasakit upang maging mas magaan ang kanilang pag-angat at pagtahak sa landas na nais nilang marating sa buhay, kapantay ng bawat mamamayan.
Magkaisa tayo na buuin ang isang pamayanang gumagalang, kumakalinga at nangangalaga sa karapatan ng lahat ng mamamayan.
Pagpalain nawa tayo at patnubayan ng Maykapal.

Judy M. Taguiwalo
Kalihim, Kagawaran ng Kagalingang Panlipunan at Pagpapaunlad
(Secretary, Department of Social Welfare and Development)
Punong Tagapangasiwa, Pambansang Sanggunian ng Ugnayang Pang May Kapansanan
(Chairperson, National Council on Disability Affairs)

 

To view and download the signed copy of the message please click here.